|
«Ang
sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay
kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa
langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga
tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang
nasa langit.» (Mt 10,32-33).
Ang
kataga ng buhay na ito ay pinagmumulan ng napakalaking
kaligayahan at inspirasyon sa lahat ng Kristiyano.
Dito
ay tinatawagan tayo ni Jesus na palaging isabuhay ang
ating pananampalataya sa kanya, dahil ang ating walang
hanggang patutunguhan ay nakasalalay kung paano ang
naging ugnayan natin sa kanya sa ating buong buhay.
Kung ipinagtatanggol natin siya – katulad ng sinabi
Niya - sa iba, mayroon siyang dahilan upang ipagtanggol
tayo sa harapan ng kanyang Ama. Ngunit kung itatatwa
natin sya sa iba, itatatwa niya rin tayo sa kanyang
Ama.
«Ang
sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay
kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa
langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga
tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang
nasa langit.» (Mt 10,32-33).
Ipinapaalala sa atin ni Jesus ang gantimpala o ang kaparusahan
na naghihintay sa atin sa kabilang buhay dahil mahal
niya tayo. Alam niya, gaya ng sinabi ng isang Ama ng
Simbahan, na kung minsan ang takot sa kaparusahan ay
mas mabisa kaysa sa magandang pangako.
Sa
dahilang ito pinalalaki niya sa atin ang pag-asa sa
walang katapusang kaligayahan at gayundin, upang iligtas
tayo, iminumulat niya sa atin ang takot na mahatulan
ng parusa.
Layunin
niya na mamuhay tayo sa lahat ng panahon kasama ang
Diyos. Ito lamang ang mahalaga. Ito ang layunin kung
bakit tayo nabubuhay. Tanging sa kanya natin makakamit
ang kaganapan ng buhay, ang katuparan ng ating mga hangarin.
Ito
ang dahilan kung bakit inaanyayahan tayo ni Jesus na
“kilalanin” siya dito at ngayon. Ngunit
kapag pinili nating mawalan ng anumang kaugnayan kay
Jesus, kung itatatwa natin siya ngayon, sa kabilang
buhay ay matatagpuan natin ang ating sarili na nakahiwalay
sa kanya ng walang hanggan.
Sa
katapusan ng ating buhay, uulitin lamang ni Jesus sa
Ama ang ginawang pagpili ng bawat isa dito sa daigdig-
anuman ang kahihinatnan nito. Sa huling paghuhukom,
binigyang-diin niya ang napakalaking kahalagahan at
kabigatan ng mga pagpapasyang ginagawa natin dito. Nakasalalay
dito ang ating magiging hangganan.
«Ang sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng
mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking
Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan
ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking
Amang nasa langit.» (Mt 10,32-33).
Paano natin mapapakinabangan ng lubos ang babalang ito
ni Jesus? Paano natin maisasabuhay ang kanyang Salita?
Siya na mismo ang nagsabi: « Ang sinumang kumikilala
sa akin... » Magpasya tayong kilalanin siya sa
harap ng iba sa simple at may kabukasan ng kalooban.
Paglabanan
ang ating pangangailangan na purihin ng iba. Talikdan
natin ang maging pangkaraniwan lamang at ang buhay na
nagkakasya sa kompromiso lamang dahil ginagawa nitong
walang kabuluhan ang ating buhay, lalo na bilang mga
Kristiyano.
Tinawag
tayo upang magpatotoo kay Kristo: sa pamamagitan natin
nais niyang maabot ang lahat ng tao sa kanyang mensahe
ng kapayapaan, katarungan at pag-ibig. Maaari tayong
magpatotoo sa kanya nasaan man tayo, maging sa ating
pamilya, sa trabaho, sa mga kaibigan, sa paaralan o
sa marami at iba’t ibang kalagayan ng ating buhay.
Maaari
natin itong gawin una sa lahat sa pamamagitan ng ating
pag-uugali, at kaganapan ng ating buhay, ng ating kadalisayan,
kawalang interes sa pera, at sa ating pakikilahok sa
saya at paghihirap ng iba.
Maipapahayag
natin ito sa pamamagitan ng ating pagmamahalan at pagkakaisa,
upang ang kapayapaan at kagalakang ipinangako ni Jesus
sa mga nakaugnay sa kaniya ay pumuno sa ating kaluluwa
kahit ngayon at ito ay umapaw sa iba.
Maaaring
may magtanong kung bakit ganito ang ating ikinikilos,
bakit nananatili tayong mapayapa sa mundo na puno ng
tensyon. Sasagot tayo ng may kababaang loob at katapatan,
gamit ang mga salita na ipapahiwatig sa atin ng Banal
na Espiritu. Sa ganitong paraan, magiging saksi rin
tayo ni Kristo sa ating mga salita at kaisipan.
At
maaaring dahil dito, marami sa humahanap sa Kanya ay
matagpuan Siya.
May
ibang pagkakataon naman na maaaring tayo ay hindi maunawaan,
salungatin, pagtawanan, kamuhian at tuligsain. Binalaan
tayo ni Jesus tungkol sa mga posibilidad na ito: «Kung
inusig nila ako, uusigin din nila kayo ».
Nasa
tamang landas pa tayo, kaya’t patuloy tayong magbigay-patotoo
sa kanya ng may katapangan kahit sa gitna ng mga pagsubok,
maging kapalit man nito ang ating buhay.
Ang
gantimpalang naghihintay sa atin ay may ganap na kabuluhan;
ito ay ang langit kung saan kikilalanin tayo ni Jesus
na minamahal natin sa harap ng kanyang Ama hanggang
sa walang hanggan.
«Ang sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng
mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking
Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan
ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking
Amang nasa langit.» (Mt 10,32-33)
|