|
"Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban."
Ang
mga katagang ito ay hango sa talata ng Awit 40 kung
saan sa sulat sa mga taga-Hebreo ito ay sinambit ng
Anak ng Diyos sa kanyang pakikipag-usap sa Ama. Nais
ng manunulat na bigyang-diin ang pag-ibig ng Anak ng
Diyos ng Siya ay nagkatawang-tao upang tupdin ang gawain
ng pagliligtas bilang pagsunod sa kalooban ng Ama.
Ang
mga katagang ito ay bahagi ng talata kung saan nais
ng manunulat na ilarawan ang walang kapantay na sakripisyo
ni Hesus kung ihahambing sa iba pang mga sakripisyo
ginawa ayon sa lumang Kautusan. Ang mga naunang sakripisyo
na inihandog noon sa Diyos ay mga hayop o mga materyal
na bagay, kaiba sa ginawa ni Jesus. Sa kanyang buhay
dito sa lupa, ang kanyang marubdob na pagmamahal ang
nagtulak sa kanya na ialay sa Ama ang kanyang sariling
kalooban, ang kanyang buong pagkatao.
"Narito
ako upang tupdin ang iyong kalooban."
Ang
mga katagang ito ang daan upang maunawaan natin ang
buhay ni Jesus. Tinutulungan tayo nitong maunawaan ang
pinakamalalim na bahagi at ang ginintuang sinulid na
dumadaloy sa lahat ng mga pangyayari sa kanyang buhay
dito sa lupa: mula sa kanyang pagkabata, sa mga taon
ng kanyang pribadong buhay, ang mga tuksong kanyang
hinarap, ang kanyang mga pagpili, ang kanyang pampublikong
buhay, hanggang sa kanyang kamatayan sa krus. Sa bawat
sandali, sa bawat pagkakataon, isang bagay lamang ang
hinahanap ni Jesus: ang tupdin ang kalooban ng Ama.
At ginampanan niya ito sa isang radikal na paraan: hindi
siya gumawa ng anumang bagay na hindi naaayon sa kalooban
ng Ama, at tinanggihan niya maging ang mga nakakaakit
na alok at pahiwatig na hindi naaayon dito.
"Narito
ako upang tupdin ang iyong kalooban."
Ang
mga katagang ito ay tumutulong sa atin upang maunawaan
ang dakilang aral mula sa kabuuan ng buhay ni Jesus.
Ang pinakamahalagang bagay ay tupdin hindi ang ating
sariling kalooban, kundi ang kalooban ng Ama, ang masabi
nating “hindi” sa ating sarili at “oo”
sa Kanya.
Ang
wagas na pag-ibig sa Diyos ay hindi binubuo ng magagandang
salita, kaisipan at damdamin, kundi ng ganap na pagsunod
sa Kanyang mga kautusan. Ang pag-aalay ng papuri na
inaasahan Niya sa atin ay ang buong pagmamahal na pag-aalay
sa Kanya ng pinakapersonal na bagay na ating tinataglay:
ang ating kalooban.
"Narito
ako upang tupdin ang iyong kalooban."
Paano
natin isasabuhay ang katagang ito? Binibigyang diin
din nito ang katotohanan na ang Ebanghelyo ay sumasalungat
sa kalakaran ng buhay dahil ito ay hindi umaayon sa
makataong batayan: ang tupdin ang sariling kalooban,
ang sundin ang pansariling hilig at damdamin.
Maaaring
ito rin ay isa sa mga nakakayamot para sa mga makabagong
panahon. Nabubuhay tayo sa panahon na dinadakila ang
sarili at pinupuri ang pagka-makasarili. Itinuturing
na isang hangarin ang kalayaan, at ang sariling kasiyahan
bilang kaganapan ng tao. Kung ano ang nagbibigay ng
kasiyahan ang siyang nagiging batayan sa paggawa ng
mga desisyon at nagiging sikreto ng kaligayahan. Subalit
alam natin ang hindi magandang kahihinatnan kung ipagpapatuloy
ang ganitong uri ng kultura.
Ang
kultura na nakabatay sa pagbibigay-kasiyahan sa sariling
kalooban ay lubos na sumasalungat sa kultura ni Jesus
na ganap na nakatuon sa pagtupad sa kalooban ng Ama.
Ito ay naghahatid ng mga magagandang bunga ayon sa Kanyang
ipinangako.
Sikapin
nating isabuhay ang katagang ito sa pamamagitan ng pagpili
sa kalooban ng Ama, gawin itong batayan at lakas ng
ating buong buhay gaya ng ginawa ni Jesus.
Sa
gayon tayo ay magsisimula sa isang banal na paglalakbay
kung saan tayo ay habambuhay na magpapasalamat sa Diyos.
Sa pamamagitan din nito, makakamit natin ang kabanalan
at mapagniningas natin ang pag-ibig ng Diyos sa napakaraming
mga puso.
Chiara
Lubich
|